Phase out ng mga traditional jeepney umani ng batikos
Umani ng batikos sa mga Senador ang nakaambang phase out ng mga Traditional Jeepney sa ilalim ng isinusulong na PUV Modernization program ng gobyerno.
Sa harap ito ng nakaambang malawakang tigil pasada ng transport groups simula sa lunes matapos ideklara ng LTFRB na hanggang June 30 na lang papayagang bumiyahe sa mga lansangan sa mga PUV na hindi pa EURO 4 Compliant.
Ayon kay Senador Aquilino Koko Pimentel dapat ipatigil na ang hakbang kung hindi naman kakayanin ng mga driver at operators na magbayad ng mga bagong PUV unit na aabot sa halos dalawang milyong piso.
Naghain na ng resolusyon si Senador Grace Poe para igiit na suspendihin ang planong phase out ng mga lumang jeepney.
Kwestyon ni Poe, saan kukuha ng pambayad ang mga jeepney drivers at operators para sa mga bagong unit na tinatayang nagkakahalaga ng 2.8 million pesos kung aabot lang sa 755 ang kanilang take home pay kada araw.
Iba pa raw rito ang gastusin para sa kanilang prangkisa at pagpaparehistro.
Kinyuwestyon rin ni Poe ang LTFRB bakit minamadali ang pag phase out sa mga lumang jeepney samantalang hindi pa naisusumite ang kanilang hinihinging report hinggil sa magiging ruta ng mga bagong sasakyan.
Saan raw sasakay ang mga maapektuhang commuters kung tatanggalin agad ang mga jeep at iba pang lumang PUV na hindi nakasunod sa itinatakdang standards ng DOTr.
Kinastigo rin ni Senador Francis Escudero ang planong phase out pero walang nakalaang safetynets para sa mga maapektuhang tsuper.
Hindi aniya dumaan sa maayos na proseso ang Jeepney Modernization program dahil lumilitaw na papalitan ang mga jeep ng mga square looking buses na mula sa Russia at China pero hindi available ang spare parts.
Meanne Corvera