PhilHealth pinagbigyan ang hiling ng Kamara na libre na ang mammogram at Ultrasound ng mga babae
Pumayag na ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth sa hiling ni House Speaker Martin Romualdez na libre na sasagutin ng state health insurance ang mammogram at ultrasound ng mga babae sa bansa para makaiwas sa nakakamatay na breast cancer.
Sa ambush interview sinabi ni House Communications Head Deputy Majority Leader Act CIS Partylist Representative Erwin Tulfo na mismong si Philhealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma ang nagsabi kay Romualdez na sasagutin na ng Philhealth ang bayad sa mga kababaihan na sasailalim sa mammogram at ultrasound matapos ang meeting sa Office of the House Speaker.
Batay sa record ng Department of Health o DOH hanggang noong buwan ng Agosto 2023 ay mayroong naitalang 27,163 na kaso ng breast sa bansa at 9,926 ang namatay.
Inihayag ni Tulfo na pinag-aaralan narin ng pamunuan ng Philhealth ang isa pang hirit ng kamara na mula sa 30 percent ng hospital bill ng mga miyembro ay itaas ito sa 50 percent.
Vic Somintac