Philippine Airlines, nag-file ng bankruptcy
Inanunsiyo ng Philippine Airlines na magpa-file ito para sa bankruptcy sa Estados Unidos.
Ayon sa national carrier ng Pilipinas, ito ay magbibigay ng pagkakataon para ma-restructure ang kanilang mga kontrata, mabawasan ang pagkakautang ng kahit man lang dalawang bilyong dolyar, at makakuha ng panibagong $655 million bagong kapital.
Babawasan din ng PAL ang kaniyang armada ng 25 porsiyento at ire-renegotiate ang mga kontrata para mabawasan ang bayarin sa pagpapaupa.
Ayon sa senior vice president at chief financial officer ng PAL na si Nilo Thaddeus Rodriguez . . . “Philippine Airlines will continue business-as-usual operations while finalising the restructuring of our network, fleet and organisation.”
Sinabi naman ni PAL president Gilbert Santa Maria, na bumagsak ang air travel volume ng 75 percent, mula sa halos 30 milyong pasahero noong 2019 ay naging pitong milyon na lamang ito noong 2020 dahil sa mga restriksiyon dulot ng pandemya.
Higit 80 libong biyahe ang kinansela ng PAL, na sanhi para mawalan ito ng dalawang bilyong dolyar na kita at nagbawas din ng 2,300 mga empleyado.
Ayon kay Santa Maria, ang PAL ay nago-operate ng 21 percent ng kanilang pre-pandemic flights sa 70 porsiyento ng karaniwan nilang destinasyon.