Philippine Coastguard, umapila ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Odette
Nanawagan ang Philippine Coastguard sa mga kababayan nating nais magpaabot ng tulong para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
Ayon sa PCG, para sa in-kind donations, bukas ang kanilang PCG Logistics Systems Command para tumanggap ng donasyong food packs, ready-to-consume food, bigas, purified drinking water, kumot, tents, kulambo, gamot at bitamina, toiletries, tsinelas, at malinis na damit.
Ang mga donasyon ay puwedeng dalhin sa Coast Guard Base Parola sa Binondo, Maynila.
Para sa cash donations, puwede namang magdeposit sa Land Bank of the Philippines (LBP) account ng PCG Support System Foundation Inc na may Account Number na 0281-1025-75.
Ang bawat donor ay makatatanggap ng resibo para sa kanilang donasyon.
Tiniyak naman ng PCG na bawat tulong ay kanilang ipaaabot sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Kahapon, tumulak na patungong Surigao del Norte, at iba pang parte ng Western Visayas at North Eastern Mindanao ang BRP Gabriela Silang ng PCG para magdala ng relief goods at iba pang tulong.
Pagbaba naman ng relief supplies, magsasakay ang BRP Gabriela Silang ng mga turistang na-stranded pabalik ng Maynila.
Ang BRP Tubbataha ng PCG nasa Cebu na rin, para sa relief operations iba’t ibang probinsya sa Visayas Region na tinamaan ng Bagyong Odette.
Ang BRP Malabrigo naman ay nakatakda na ring tumulak patungong Visayas.
Madz Moratillo