Philippine embassy officials nakipagpulong sa Egyptian importers at exporters para sa pagpapaigting ng trading ng agricultural products ng dalawang bansa
Humarap ang mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Egypt at Agricultural Attaché ng Pilipinas sa Egyptian officials, exporters at importers upang palakasin pa ang kalakalan ng agricultural products ng dalawang bansa.
Sa pagpupulong, inihayag ni Agriculture Attaché for Middle East and Africa Nolet Fulgencio ang work plan para sa importasyon ng Pilipinas ng citrus products mula sa Egypt.
Ipinakilala rin ng opisyal ang agricultural at aquatic products ng Pilipinas na may mataas na export potential gaya ng buko, pinya, saging, seaweed at tuna.
Pinasalamatan naman ni Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago ang mga lumahok at nagpahayag ng suporta sa mga inisyatiba at proyekto para sa trading ng agricultural products ng Egypt at Pilipinas.
Una rito ay nakipag-pulong din ang embassy officials sa Egyptian Central Administration of Plant Quarantine kung saan tinalakay ang mga hakbang para umusad ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa.
Binisita rin ng mga opisyal ang isang cold storage facility sa Sadat City kasama ang Egyptian Agriculture Export Council.
Moira Encina