Pilipinas at Alberta, Canada lumagda ng kasunduan para lalong mapangalagaan ang kapakanan ng Pinoy nurses
Palalakasin ng Pilipinas at Alberta, Canada ang kooperasyon nito para lalong mapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipinong nurse na nagtatrabaho sa Alberta.
Ito ay sa pamamagitan ng memorandum of understanding na nilagdaan nina Department of Migrant Workers Undersecretary for Policy and International Cooperation Patricia Yvonne Caunan at Alberta Premier Jason Kenney.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), layon ng MOU na maisulong ang ethical at maayos na recruitment practices sa pagitan ng dalawang bansa.
Ilan sa areas of cooperation ng dalawang bansa sa ilalim ng MOU ay ang pormal na kolaborasyon para sa certification, recognition, at matching of skills and qualifications ng Pinoy nurses.
Gayundin ang provision of support sa Pinoy nurses na hindi pa rehistradong mag- practice sa Alberta.
Alinsunod din sa kasunduan, ang Pinoy nurses sa Alberta na sasailalim sa assessment, education, at training, at licensing process ay maaaring mag- apply para sa financial incentives sa Alberta Government sa oras na maisapinal ang financial assistance program.
Batay sa 2016 Canada consensus data, umaabot sa 175,130 Pinoy ang nasa Alberta.
Moira Encina