Pilipinas, bibili ng US military helicopters makaraang ibasura ang Russia deal
Bibili ang Pilipinas ng heavy-lift military helicopters mula sa Estados Unidos ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., makaraang ibasura ang pagbili ng kaparehong aircraft mula sa Russia.
Matatandaan na ang gobyerno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay lumagda ng isang kasunduan na nagkakahalaga ng $216 million para sa 16 na Mi-17 helicopters, ngunit umatras kasunod ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine at pagpapataw ng mga sanction laban sa Moscow.
Nitong Huwebes, ay binanggit ng local media ang sinabi ng Russian ambassador sa Pilipinas, na ang kasunduan ay valid pa rin, ngunit sinabi ni Pangulong Marcos na patay na ito.
Sa isang business forum ay sinabi ng pangulo, “We have secured an alternative supply (for heavy-lift helicopters) from the United States. Unfortunately, we made a down payment (to the Russian manufacturer) that we are hoping to negotiate to get at least a percentage of that back. But the deal as it stood maybe at the beginning of or in the middle of last year has already been cancelled.”
Gayunman, batay sa ulat ng local media ay sinabi ni Russian ambassador Marat Pavlov, na itinutuloy pa rin ng manufacturer ang pagbuo ng mga Mi-17. Subalit hindi makontak ang Russian embassy sa Maynila para mahingan ng komento.
Hindi idinetalye ng pangulo kung aling US helicopter ang napili bilang alternatibo, kundi sinabi lamang na yari ito sa Poland.
Noong Agosto ay sinabi ni Philippine ambassador in Washington, Jose Romualdez, na naghahanap ang bansa ng Chinooks na ipapalit sa Mi-17s.
Sa hiwalay na pahayag ay sinabi rin ni Romualdez, na ang desisyong ikansela ang Mi-17 deal ay na-trigger ng Ukraine war, at nag-iingat din ang bansa na malabag ang isang 2017 US law na nagpapataw ng mga parusa sa sinumang nakikipag-negosyo sa intelligence o defence sector ng Russia.
Ang Pilipinas ay matagal nang ka-alyado ng US at nagsimula ng isang katamtamang military modernisation programme noong 2012.
Sa ngayon, ang mga kagamitan nito ay kinabibilangan ng Vietnam War-era helicopters at World War II naval vessels na ginamit ng Estados Unidos.
© Agence France-Presse