Pilipinas bumoto pabor sa ceasefire sa Gaza
Hindi tulad noong Oktubre kung saan nag-abstain ang Pilipinas, bumoto na ngayon ang bansa pabor sa resolusyon ng United Nations na nananawagan ng ceasefire sa Gaza.
Sa 10th Emergency Special Session ng UN General Assembly, ipinaliwanag ni Ambassador Antonio Lagdameo ang boto ng Pilipinas..
“We are deeply concerned about the humanitarian situation in Gaza. The Philippines believes that a humanitarian ceasefire is crucial to halt the loss of life and suffering. This ceasefire is a necessary step to facilitate the delivery of urgent humanitarian aid to all affected civilians, irrespective of their affiliation,” pahayag ni Lagdameo.
Sinabi ni Lagdameo na kinukondena ng Pilipinas ang pag-atake ng Hamas sa Israel noong October 7.
Pero dapat aniyang ikonsidera sa anumang hakbanging militar ang epekto nito sa mga sibilyan.
Umapela ang Pilipinas sa lahat ng partido na tuparin ang mga obligasyon sa ilalim ng international law ukol sa proteksyon sa mga sibilyan lalo na sa mga bata at kababaihan.
“Upholding these laws is essential in ensuring the safety and dignity of all individuals affected by this conflict,” saad pa ni Lagdameo.
Ayon kay Lagdameo, hangad ng Pilipinas na makaambag sa solusyon na iginagalang ang karapatan at pangangailangan ng parehong Palestinian at Israeli civilians.
“We advocate for a peaceful resolution that upholds international law and leads to lasting peace and security in the region,” sabi ng ambassador.
Hindi bumoto noong Oktubre ang Pilipinas sa sa resolusyon sa Gaza ceasefire dahil sa hindi nito kinukondena ang pag-atake ng Hamas sa Israel.
Wala pang paliwanag ang Department of Foreign Affairs kung bakit ngayon ay bumoto na ang Pilipinas sang-ayon sa ceasefire kahit na walang pagbanggit at pagkondena sa Hamas ang panibagong UN resolution.
Isa ang Pilipinas sa 153 bansang miyembro ng UN na bumoto sang-ayon sa tigil bakbakan sa Gaza.
Iginiit ng presidente ng UN General Assembly na dapat nang matigil agad ang karahasan sa Gaza at ang ceasefire ang natatanging paraan para mabawasang ang tensyon at matigil ang pagdanak ng dugo sa Gaza.
Moira Encina