Pilipinas handang tumanggap ng refugees mula sa Ukraine –DOJ
Bukas ang Pilipinas na tumanggap ng mga refugee mula sa Ukraine sa harap ng mga mamamayan nito na naiipit sa giyera nito sa Russia.
Sinabi ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na sa ngayon ay wala pang impormasyon ang Department of Justice – Refugees and Stateless Persons Protection Unit (DOJ- RSPPU) kung may paguusap sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ukol sa posibleng refugees mula sa Ukraine.
Inihayag ni Vasquez na polisiya ng Pilipinas na tanggapin ang refugees basta nasa bansa ang mga ito na isa sa mga requirement.
Obligasyon din aniya ng Pilipinas na tumanggap ng mga biktima ng mga karahasan, persekusyon at giyera bilang signatory sa 1951 Refugee Convention at sa 1954 at 1961 Statelessness Conventions.
Ayon naman kay United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) Head of National Office Maria Ermina Valdeavilla-Gallardo, may nakalatag na maayos na sistema ang Pilipinas sa pag-proseso ng asylum -seekers.
May mga magagandang programa rin aniya ang Pilipinas sa asylum seekers.
Tinataya ng DOJ na mahigit 1,000 refugees ang nasa bansa at nasa 1,000 rin ang nakabinbin refugee applications.
Karamihan sa mga refugee ay mula sa Gitnang Silangan at Africa.
Kaugnay nito, inilunsad ng DOJ ang kauna-unahang National Refugee Day alinsunod sa proklamasyon ni Pangulong Marcos na nagdideklara sa June 20 bilang National Refugee Day.
Moira Encina