Pilipinas hindi na magiging sunud-sunuran sa dayuhang puwersa – PBBM
Hindi nahadlangan ng pag-ulan at sama ng panahon ang paggunita ngayong araw sa ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Sa Rizal Park sa Luneta, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang flag-raising ceremony at wreath laying sa bantayog ni Gat. Jose Rizal.
Kasama ni Pangulong Marcos ang first family kabilang si First Lady Lisa Araneta-Marcos at mga anak na sina Congressman Sandro Marcos, Simon at Vinny.
Agad namang dumiretso si Pangulong Marcos at iba pang opisyal ng pamahalaan sa Quirino Grandstand para pangunahan ang aktibidad na tinawag na Araw ng Kalayaan Grand Parade.
Sa kaniyang talumpati binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi na muling magiging sunud-sunuran ang bansa sa anumang puwersang dayuhan kasabay ng pagdidiin na tugunan ang “un-freedoms” na patuloy na kinakaharap ng bansa.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kalayaan bilang paraan para isulong ang pag-unlad ng bansa.
Ayon sa talumpati ng Pangulo, “The heroes of our liberation would be proud to know that we have thrown off the “ominous yoke of domination”; never again to be subservient to any external force that directs or determines our destiny. We have stayed the course and adhered to their ideals for our free and independent country: popular, representative, and responsible.”
Inamin ng Pangulo na marami pang dapat ayusin para matamo ang pag-unlad ng bansa.
Kabilang na aniya rito ang kahirapan at hindi patas na oportunidad sa lahat.
Binigyang-diin ng Pangulo, “There are manifold “un-freedoms” prevailing in society that stand in the way of human development. These are the corrosive, political, and social conditions that make the nation not as free as we would like to profess and to believe, such as: poverty; inadequate economic opportunities; disabling rather than enabling living conditions; inequality and apathy.”
Kaya naman pangako ng Punong Ehekutibo na magpapatupad ng matalinong desisyon ang kaniyang administrasyon para tugunan ang sakit ng lipunan, gaya ng isinusulong na Philippine Development Plan.
Aniya, “We will strive to remove the un-freedoms. We will aim to feed the hungry, free the bound, and banish poverty. These are primordial moral and existential imperatives that are laid upon your Government. Through wise policies, we will foster a highly conducive and enabling environment in which the exercise of true human compassion shall allow for the full development of the Filipino.”
Bahagi rin sa highlight ng aktibidad ang paglulunsad ng special commemorative stamp para sa Independence Day.
Ito rin ang ikalawang pagkakataon na ginawa muli ang military-civic parade sa ilalim ng Marcos administration.
Itinampok din sa Araw ng Kalayaan Grand Parade ang parade ng 125 watawat ng Pilipinas bilang simbolo ng ika-125 Araw ng Kasarinlan ng bansa.
Nakilahok din sa parada ang mga kinatawan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan, gayundin ng mga lokal na pamahalaan.
Ibinandera sa parada ang iba’t ibang service command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP), gayundin ang mga kagamitan at kasangkapang pandigma.
Madelyn Moratillo