Pilipinas, isa sa mga bansa sa Asya na may pinakamababang arawang kaso ng Covid-19
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, na isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na nakapagtatala ng pinakamababang bilang ng arawang kumpirmadong kaso ng Covid-19.
Sa isang presentasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte, binanggit ni Duque na ang Pilipinas ay nakapagtala lamang ng 3.45 bagong mga impeksiyon kada isang milyong indibidwal kada araw noong March 28.
Ang Pilipinas ay sinusundan ng Cambodia na may 3.61 cases; Myanmar na may 4.52; at Indonesia, na may 17.82.
Banggit ang Our World in Data figures, ang mga bansa na may pinakamaraming bilang ng kaso ay kinabibilangan ng Brunei na may 1,968.79 infections; Vietnam, 1,724.56; Singapore, 1,295.34; Malaysia, 615.65; Thailand, 360.67; at Laos, 293.52.
Ayon kay Duque . . . “Tingnan niyo naman naglipana ang kaso sa mga nasa itaas ng listahan. So, dapat ito ay ipagpatuloy lang natin, basta’t maganda po at consistent ang ating pong pagsasakatuparan ng ating mga interventions sa pandemic response na ito.”
Sa Asya, ang China ang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng mga kaso na 1.3 lamang sa bawat isang milyong populasyon.
Ang kaso ng Covid-19 ay patuloy na tumataas sa mga bansa sa rehiyon ng Asya, dahil sa pagkalat ng lubhang nakahahawang Omicron subvariant, BA.2.
Ang mga kaso sa Pilipinas ay umabot sa “peak” noong Enero, nang ang Omicron variant ay makapasok sa bansa noong December 2021.
Para sa March 23 hanggang 29, ang bansa ay nakapagtala ng 2,651 bagong mga kaso, mas mababa kaysa 3,319 infections mula sa sinundang linggo.
Ang average daily cases bawat araw ay 378. Isang kaso lamang ang naragdag sa tally ng severe at critical cases.
Ang cumulative case fatality rate ng bansa ay nananatiling mababa sa 1.61 percent, habang ang recovery rate ay 97.3 percent.
Nagawa ng mga laboratoryo sa buong bansa na makapagsagawa ng 21,875 kada araw, at ang positivity rate ay bumaba sa 2 percent ngayong linggo mula sa 2.5 percent ng nakalipas na linggo base sa seven-day moving average.
Para naman sa healthcare utilization rate, 17.5 percent lamang ng non-intensive care unit (ICU) beds ang nagamit, habang 14.5 percent ICU beds naman ang nagamit.
Ang Severe at critical admissions ay 11.6 percent o 752 sa 6,509 kabuuang hospital admissions.