Pilipinas, magkakaroon na ng ‘speaking rights’ sa ILO governing body
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, magkakaroon na ng ‘speaking rights’ ang Pilipinas sa pinagpipitaganang governing body ng International Labour Organization (ILO).
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, na maririnig na ang boses ng Pilipinas sa executive branch ng ILO kung saan ang maliliit na mga bansa ay hindi pinapayagang magsalita.
Si Bello ay nasa Geneva, Switserland kung saan pinangunahan niya ang pulong ng ILO government group. Ang Pilipinas ang kasalukuyang chairman ng nabanggit na cluster.
Sinabi ni Bello na aasikasuhin din ng Pilipinas na magkaroon ng mas malakas na partisipasyon ang iba pang maliliit na mga bansa sa decision-making ng ILO.
Una nang nangako ang kalihim na magdadala ng reporma sa ILO partikular sa policy-making na aniya ay nasa ilalim ng monopolyo ng mayayamang mga bansa.
Paliwanag ni Bello . . . “This has to stop if we are really after the welfare of all workers around the globe.”
Binanggit din niya ang kahalagahan ng maagang pagpaplano sa pulong kamakailan ng government group.
Aniya, ang advance planning ay papabor partikular sa nominasyon ng chairmen ng mga komite at iba pang government positions sa 110th session ng International Labour Conference sa susunod na taon.
Ang nominasyon ng committee chairmen ang ika-5 agenda ng pulong na pinangunahan ni Bello matapos dumalo sa Sixth Ministerial Consultation ng Abu Dhabi Dialogue sa United Arab Emirates.
Bago matapos ang kaniyang mensahe ay ay nagpasalamat si Bello sa suporta ng iba pang mga bansa sa representasyon ng Pilipinas sa Government Group, sa tripartite meetings sa social partners.
Ayon sa kalihim . . . “We count on your continued support for the Philippines in performing its role up to the 110th International Labour Conference in June 2022.”