Pilipinas mangangailangan ng karagdagang 60 milyong doses ng anti- COVID 19 vaccine para sa mga menor de edad – Malakanyang
Target ng pamahalaan na bumili ng karagdagang 60 milyong doses ng anti COVID 19 vaccine na gagamitin para sa mga menor de edad na populasyon.
Sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na sa sandaling mapagtibay ng mga vaccine expert ang brand ng bakuna na gagamitin sa mga menor de edad sa bansa mangangailangan ang pamahalaan ng 25 bilyong pisong dagdag na pondo para ipambili ng anti COVID 19 vaccine.
Ayon kay Galvez pinag-aaralan na ng mga eksperto sa pangunguna ng Food and Drug Administration o FDA ang paggamit ng US made Pfizer anti COVID 19 vaccine para sa mga nasa edad na 12 hanggang 17 taong gulang ganun din ang Chinese anti COVID 19 vaccine na Sinovac na gagamitin sa mga nasa edad na 3 hanggang 17 taong gulang.
Inihayag ni Galvez tinatayang nasa 39 milyon ang menor de edad sa bansa na babakunahan sa ilalim ng Pediatric Vaccination program ng pamahalaan.
Nauna ng naglaan ang gobyerno ng 82.5 bilyong pisong pondo para ipambili ng 140 milyong doses ng anti COVID 19 vaccine para sa 70 milyong pinoy na nasa edad 18 taong gulang pataas.
Niliwanag ni Galvez kung isasama ang mga menor de edad sa national vaccination program ng pamahalaan aabot sa mahigit 200 daang milyong doses ng anti COVID 19 vaccine ang kailangang bilhin ng Pilipinas.
Vic Somintac