Pilipinas may dalawang opsyon sa Extradition kay Janet Napoles sa US – ayon sa DOJ
May dalawang opsyon ang gobyerno ng Pilipinas sa extradition ni Janet Lim Napoles sa US na nahaharap sa kasong money laundering case doon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na formal request mula sa Estados Unidos para isailalim sa extradition proceeding si Napoles.
Pero isa sa mga opsyon sa extradition ay maaring ipagpaliban ng Pilipinas ang extradition proceedings kay Napoles hanggang hindi natatapos ang kaso nito sa Sandiganbayan kaugnay pork barrel scam o hangga’t hindi napagsisilbihan ang sentensya kung masentensyahan man syang makulong.
Ikalawa anya ay maaring pansamantalang isuko ng Pilipinas si Napoles sa US para litisin sa kaso nito doon depende sa kung anong mga termino at kondisyon na mapagkakasunduan ng dalawang bansa.
Sinabi pa ni Guevarra na ang kamag-anak naman ni Napoles na narito sa Pilipinas na kasama sa kinasuhan sa US at walang kinakaharap na kaso sa bansa ay ang agad isasailalim sa extradition proceedings at kung nasa Amerika naman sila ay maari na silang arestuhin ng US authorities.
Ulat ni Moira Encina