Pilipinas nag-pledge ng USD100,000 na tulong sa Yemen
Inanunsiyo ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang panibagong USD100,000 na pledge ng Pilipinas para suportahan ang Yemen Humanitarian Fund.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim sa Yemen Conference 2023 sa Geneva, Switzerland.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang Pilipinas ay consistent na donor sa Yemen Humanitarian Fund.
Ang nasabing country- based pooled fund ay pinapangasiwaan ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA).
Sinabi pa ni Secretary Manalo na sa nakalipas na limang taon ay tumutugon ang Pilipinas sa panawagan ng UN at ng international community para pondohan ang pagresponde sa krisis at aid operations sa Yemen.
Aniya, ang boluntaryong kontribusyon ng Pilipinas ay nagpapakita ng adbokasiya ng bansa para sa people-centered intervention sa mga krisis.
Tiniyak ng kalihim na kaisa ng Pilipinas ang Yemen lalo na ang mga higit na nangangailangan at mga vulnerable sector gaya ng mga kababaihan, bata, matatanda at ang mga may kapansanan.
Umaabot sa 31 bansa ang nag-pledge para matugunan ang krisis sa Yemen na katumbas ng USD1.2 billion.
Moira Encina