Pilipinas nakapagtala ng 2 bagong Arcturus variant ng COVID-19 – DOH
Umabot na sa tatlo ang naitalang kaso ng XBB.1.16 o Arcturus variant ng COVID-19 sa bansa.
Isa sa sinasabing sintomas ng Arcturus ay sore eyes pero ayon sa Department of Health (DOH) hindi pa naman ito napapatunayan.
Sinasabing ang Arcturus ang nakapag-pataas ng kaso ng COVID-19 sa ilang bansa pero dito sa Pilipinas tiniyak ng DOH na hindi ito ang dahilan ng pagtaas ng mga kaso.
Sa bio-surveillance report ng DOH, kabilang ang Arcturus sa 207 bagong subvariant ng Omicron at iba pang lineages na natukoy sa ginawang genome sequencing mula Abril 26 hanggang Mayo 6.
Sa nasabing reaulta ng sequencing, may 159 ang natukoy na XBB kabilang rito ang 72 na XBB.1.9.1 cases, 35 na XBB.1.5 cases, 13 na XBB.1.9.2 cases, at 3 na XBB.1.16 cases o iyong Arcturus.
Sa mga XBB cases na ito, 2 ang Returning Overseas Filipinos (ROF) habang ang iba ay natukoy sa halos lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa CARAGA, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.
May 27 rin na BA.2.3.20, 1 BA.5, 13 na iba pang Omicron sublineages at 1 hindi pa tukoy na lineage.
Ang karagdagang BA.5 ay isang local case mula sa National Capital Region at ang karagdagang BA.2.3.20 cases ay natukoy sa Regions 1, 2, 4A, 6, 7, 11, Caraga, at NCR.
Madelyn Moratillo