Pilipinas, nakatakdang maging President-nominee ng 78th World Health Assemby sa 2025

Photo courtesy of Presidential Communications Office

Nakatakdang maging President-nominee ang Pilipinas ng 78th World Health Assembly (WHA) na gaganapin sa Geneva, Switzerland sa Mayo 2025.

Ito ay pagkatapos ng 75th Regional Committee Meeting ng World Health Organization (WHO) sa Western Pacific, kung saan nagkaroon ng consensus ang mga miyembrong estado na dumalo para i-nominate ang Pilipinas.

Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, “Filipinos are recognized as bridge-builders in the international community. Our nomination by the Western Pacific Member States as WHA78 President is a recognition of our collective contribution and leadership in international health. Thank you to our neighbors in the Western Pacific for the trust and confidence.’

Ang nominasyon ay itinuturing na makasaysayan bilang unang pagkakataon na ang Pilipinas ay magiging Pangulo ng kapulungan mula nang itatag ang WHO noong 1948.

Ang WHA ang pinakamataas na decision-making body ng WHO. Ito ay dinadaluhan ng mga delegasyon mula sa lahat ng 194 WHO member states, 37 mga bansa at mga lugar sa Western Pacific.

Ito ang nagdedetermina sa mga polisiya ng Organisasyon, nagtatalaga sa director-general; nangangasiwa sa financial policies, at nagrerepaso at nag-aapruba sa panukalang programme budget. Taunan itong idinaraos sa Geneva.

Ang mga opisyal nito ay pormal na inihahalal sa pamamagitan ng ‘acclamation,’ sa pagsisimula ng bawat sesyon batay sa Rules of Procedure ng WHA.

Pinangangasiwaan ng Pangulo ang pagsasagawa ng WHA at ginagabayan ang Asembleya sa mga kritikal na talakayan at desisyon nito sa mga pandaigdigang patakaran at inisyatiba sa kalusugan.

Maaaring humirang ang Presidente ng limang bise presidente upang kumilos bilang kahalili nito sa mga pagpupulong o mga bahagi nito. Ang mga bise presidente ay maaari ding mapili sa pamamagitan ng palabunutan sa sesyon kung saan nagaganap ang halalan.

Tradisyonal na naghahalal ng Presidente ang Member States mula sa bawat isa sa anim na rehiyon ng WHO — Western Pacific, South East Asia, Africa, Americas, Europe, Eastern Mediterranean – na umiikot bawat taon.

Ang Pilipinas ang host ng WHO Regional Office sa Western Pacific.

Ang huling pagkakataon na ang isang Pangulo ng WHA ay galing sa Kanlurang Pasipiko ay noong 2019, at ito ay mula sa Lao People’s Democratic Republic.

Nilalayon ng Pilipinas na higit na bigyang-diin ang kahalagahan ng ‘resilient health systems’ at international cooperation sa harap ng global health challenges sa pamamagitan ng pamumuno sa WHA.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *