Pilipinas, nanganganib pa ring mapasok ng Indian variant sa kabila ng Travel ban
Aminado ang Malakanyang na walang garantiya na hindi makakapasok sa bansa ang mapanganib na Indian variant ng COVID 19 na mabilis kumalat at nakamamatay.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque bagamat nagpapatupad na ang pamahalaan ng Travel ban sa mga magmumula sa India at karatig bansa may panganib parin na makalusot sa Pilipinas ang Indian variant ng COVID 19.
Ayon kay Roque tuloy-tuloy naman ang biyahe sa pagitan ng India at mga bansa sa Middle East kung saan maraming mga pilipino ang nagtratrabaho.
Inihayag ni Roque kung hindi man direktang manggaling sa India ang Indian variant ng COVID 19 maaari itong magmula sa mga Pinoy na bumabalik sa bansa na galing sa mga bansa sa Gitnang Silangan.
Ikinatuwa naman ng Malakanyang ang report ng Department of Health o DOH na wala paring Indian variant ang nakita ng Philippine Genome Center sa mga sample ng nagpositibo sa COVID 19 na nagbiyahe mula sa India na bumalik sa Pilipinas.
Niliwanag ni Roque na mahigpit ang pagpapatupad ng Inter Agency Task Force o IATF sa protocol sa mga nagbabalikbayang mga Pinoy saan mang bansa sila galing ay kinakailangang sumailalim sa 14 na araw na Quarantine at masigurong negatibo ang kanilang COVID 19 swab test result bago sila payagang makauwi sa kanilang pamilya.
Vic Somintac