Pilipinas napanatili ang Tier 1 ranking sa paglaban sa human trafficking
Nananatili sa Tier 1 status ang Pilipinas sa Trafficking In Persons (TIP) Report ng United States Department of State.
Ito na ang ikaanim na sunod na taon na Tier 1 ang rating ng Pilipinas sa paglaban sa human trafficking.
Ang Tier 1 ang pinakamataas na classification na ibinibigay ng US government.
Ayon sa Inter- Agency Council Against Trafficking (IACAT), ang ibig sabihin ng Tier 1 ranking ay nagpapatuloy ang gobyerno ng Pilipinas sa seryosong hakbangin nito para mawakasan ang human trafficking sa ilalim ng Trafficking Victims Protection Act ng US.
Batay sa TIP Report, natugunan nang buo ng pamahalaan ng Pilipinas ang minimum standards para sa elimination ng trafficking at patuloy na naipakikita ang seryoso at sustained efforts nito kahit pa sa panahon ng pandemya.
Ayon pa sa US, mas maraming trafficker ang nakasuhan at napatawan ng karampatang parusa ng Pilipinas kumpara sa mga nakaraang reporting period nito.
Binanggit pa sa report ang mga hakbangin ng Pilipinas upang mapagbuti ang prosekusyon ng kaso sa pamamagitan ng pagdaragdag ng bilang ng mga piskal na nakatalaga sa anti- trafficking forces at pagkakaloob ng specialized shelters at one-stop service sa Maynila para sa mga biktima.
Inirekomenda naman ng US na palakasin ng gobyerno ng Pilipinas ang kapasidad ng LGUs sa pagbibigay ng reintegration services sa trafficking survivors gaya ng trauma-informed care, job training, at in-country employment.
Moira Encina