Pilipinas pang – lima sa mga bansang may pinakamaraming batang hindi nabakunahan laban sa Diptheria
Naalarma na ang Department of Health sa pagtaas ng bilang ng mga batang hindi pa nababakunahan laban sa mga sakit na pwede sanang maiwasan gaya ng tigdas.
Sa datos ng UNICEF, pang lima ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming unprotected children o hindi nabakunahan laban sa sakit na Diptheria noong 2022 habang pang pito naman sa tigdas.
Ayon kay Undersecretary Eric Tayag, tagapagsalita rin ng DOH, ginagawan naman ito ng paraan ng gobyerno.
Katunayan ay naglulunsad sila ng mga catch up vaccination gaya noong Mayo na naglunsad ang DOH ng Chikiting ligtas na inextend pa hanggang Hunyo.
Tinarget nitong mabakunahan kontra tigdas at polio ang mga batang nasa edad zero hanggang 59 buwang gulang.
Paliwanag ni Tayag maraming factors ang nakakaapekto kaya bumababa ang vaccination rate.
Kabilang rito ang nangyaring pandemya dahil sa Covid 19 at Climate change.
Ngayong araw nagsagawa ng Immunization Summit ang DOH katuwang ang UNICEF at iba pang stakeholders para mapag-usapan kung paano masosolusyunan ang problema sa mababang bilang ng nagpapabakuna.
Sa 2025 target ng DOH na maabot ang 90 percent vaccination coverage sa mga batang filipino lalo ang mga sanggol.
Isinusulong rin ng DOH na maamyendahan na ang batas patungkol sa immunization at maisama rito ang pagpapataw ng penalty sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon patungkol sa bakuna.
Nitong kasagsagan ng COVID- 19 pandemic matatandaang isa sa naging problema ng gobyerno kaya mababa ang inisyal na bilang ng nagpabakuna ay dahil sa dengvaxia scare.
Nagbabala naman si DOH USEC Ma Rosario Vergeire na kung hindi maaabot ang herd immunity ay hindi malayong magkaroon ng panibagong outbreak ng sakit gaya noong 2019 na nagkaroon ulit ng kaso ng polio sa Pilipinas.
Madelyn Moratillo