Pilipinas, posible nang Malaria free sa loob ng 2-3 taon
Posibleng sa loob ng 2 hanggang 3 taon ay maideklara na ring Malaria free ang Pilipinas.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, sa ngayon ay Palawan na lamang ang natitirang lugar sa bansa na mayroong kaso ng malaria… “ Malaria is only located in Palawan in the high mountainous areas and ang promise sa akin ng Global Fund in 2 to 3 years we can announce Malaria elimination in the Philippines “ ani ng Kalihim.
Nilinaw din ni Herbosa na sa urban areas naman ng Palawan ay wala nang kaso ng sakit na naitala “ urban areas of Palawan di na talaga nagkakaroon like Puerto Princesa, Coron… dagdag ng opisyal.
Sa rekord ng Department of Health ( DOH ), mayroon nang 66 na lalawigan sa bansa ang deklaradong Malaria-Free, 15 lalawigan ang sumasailalim sa Elimination at isang lalawigan na lang ang may Local Transmission ng Malaria na ito ang Palawan.
Salig sa DOH Circular, para maideklarang Malaria-free ang isang lugar, dapat ay wala itong naitalang kaso ng sakit sa nakalipas na 5 taon.
Kabilang sa mga pinakahuling idineklara bilang Malaria free ay ang mga lalawigan ng Aurora, Cotabato, Oriental Mindoro at buong Region 4A o Calabarzon.
Ang malaria ay nakamamatay, mula ito sa plasmodium parasites na karaniwang naililipat sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Kabilang sa sintomas nito ay lagnat, pananakit ng ulo at panginginig.