Pinakamainit na Setyembre, dinanas ng Japan
Naranasan ng Japan ang pinakamainit na Setyembre simula nang magkaroon ng mga record tungkol dito, 125 taon na ang nakalilipas, ayon sa mga eksperto, sa taon na inaasahang magiging pinakamainit sa kasaysayan ng tao.
Sinabi ng Japan Meteorological Agency, na ang average temperature ng nakapapasong Setyembre ay 2.66 degrees Celsius na mas mataas kaysa karaniwan.
Ayon sa pahayag ng ahensiya, “This was ‘the highest figure’ since the start of statistics in 1898.”
Ngayong taon ang inaasahang magiging pinakamainit sa kasaysayan ng tao habang tumitindi ang climate change, kung saan inanunsiyo rin ng mga bansang kinabibilangan ng Austria, France, Germany, Poland at Switzerland na ngayong Setyembre ang naitala nilang pinakamainit.
Ayon sa French weather authority na Meteo-France, ang average na temperatura sa bansa nitong Setyembre ay humigit-kumulang 21.5 degrees Celsius, sa pagitan ng 3.5C at 3.6C sa itaas ng 1991-2020 reference period.
Ang UK man ay nakapagtala rin ng kaparehong record para sa pinakamainit na Setyembre simula nang magkaroon ng mga record noong 1884.
Sa isang ulat ay sinabi ng Copernicus Climate Change Service (C3S) ng European Union (EU), na ang average global temperature noong Hunyo, Hulyo at Agosto ay 16.77 degrees Celsius, lampas sa 2019 record.
Nitong Setyembre, sinabi ni UN Secretary-General Antonio Guterres sa world leaders, “the climate crisis had ‘opened the gates’ to hell.”
Sa kanyang pambungad na talumpati sa Climate Ambition Summit, pinukaw ni Guterres ang isyu tungkol sa “kakila-kilabot na init” ngayong taon ngunit binigyang-diin, “Maaari pa rin nating limitahan ang pagtaas ng temperatura sa buong mundo sa 1.5 degrees,” na ang tinutukoy ay ang nakikitang kinakailangang target upang maiwasan ang pangmatagalang climate catastrophe.