Pinakamalaking joint military drills, sinimulan na ng US at South Korea
Sinimulan na ng Estados Unidos at South Korea ang pinakamalaki nilang combined military drills simula noong 2018, na ayon sa Seoul ay isang hakbang na malamang na ikagalit ng North Korea.
Ang Washington ay pangunahing kaalyado sa seguridad ng Seoul, kung saan may naka-istasyon silang halos 28,500 sundalo sa South Korea upang protektahan ito mula sa North Korea.
Ang dalawang bansa ay matagal nang nagsasagawa ng magkasanib na pagsasanay, na iginigiit nilang “purely defensive” lamang, ngunit nakikita ng North Korea ang mga ito bilang isang pagsasanay para sa pagsalakay.
Ang Ulchi Freedom Shield exercise ay tanda ng pagpapatuloy ng malakihang mga sesyon ng pagsasanay pagkatapos na matigil ang mga ito dahil sa COVID-19.
Ayon sa defense ministry, “The significance of this joint exercise is rebuilding the South Korea-US alliance and solidifying the combined defence posture by normalising… combined exercises and field training.”
Hindi inilabas ang mga detalye ng drills na karaniwang tumatakbo mula August 22 hanggang September 1, ngunit kalimitang kinapapalooban ito ng field exercises na may aircraft, warships at tanks — kasama ng libo-libong mga sundalo.
Sa isang pulong noong nakaraang linggo, nagkasundo ang magka-alyado na “palawakin ang saklaw at sukat ng pinagsamang military exercises at training,” banggit ang dumaming bilang ng missile tests ng North Korea.
Sinabi naman ng mga analyst, na maaaring gamitin ng North Korea ang naturang drills bilang dahilan ng pagsasagawa ng dagdag pang weapons tests.
Sa mga unang bahagi ng buwang ito, nagbabala ang Pyongyang na lilipulin nito ang Seoul authorities, na sinisisi nito sa kamakailan ay COVID-19 outbreak sa kanilang bansa.
Ang banta ay ginawa wala pang isang buwan matapos sabihin ni Kim Jong Un na handa ang kaniyang bansa na gamitin ang kanilang nuclear capability sa anomang giyera laban sa Estados Unidos at South Korea.
@ Agence France-Presse