Pinakamatinding anim na buwang wildfires sa loob ng 20 taon, naranasan ng Amazon sa Brazil
Lumitaw sa satellite data, na ang Brazilian Amazon ay nakapagtala ng 13,489 wildfires sa unang anim na buwan ng taon, ang pinakamataas na bilang sa loob ng 20 taon.
Ang kabuuan ay mas mataas ng 61 percent kumpara sa 8,344 wildfires na na-detect sa kaparehong peryodo noong isang taon, isang pagtaas na ayon sa mga eksperto ay resulta ng makasaysayang tagtuyot na tumama sa pinakamalaking tropical forest sa mundo.
Simula nang umpisahan ng National Institute for Space Research ng Brazil ang pagtatala noong 1998, dalawang iba pang taon lamang ang nakaranas ng mas maraming wildfires mula Enero hanggang June. Ito ay noong 2003 (17,143) at 2004 (17,340).
Ang data ay hindi magandang balita para sa gobyerno ni President Luiz Inacio Lula da Silva, kung saan patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga sunog bagama’t nababawasan na ang deforestation sa Amazon.
Naitala rin ang wildfires mula January – June sa dalawang iba pang biodiverse ecosystems sa timog ng Amazon: ito ay sa Pantanal, na isa sa pinakamalaking tropical wetlands sa mundo, at sa Cerrado savanna, na ang malaking bahagi ay nasa Brazil.
Sa Pantanal, na tahanan ng milyun-milyong caimans, parrots, giant otters at ng itinuturing na ‘world’s highest density of jaguars,’ ay 3,538 wildfires ang naitala sa unang anim na buwan ng 2024. Tumaas ng mahigit sa 2,000 percent kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Ang Cerrado ay nakaranas din ng halos singdaming sunog na naranasan sa Amazon mula January hanggang June, na ang bilang ay 13,229.