Pinay singer at songwriter, magiging kinatawan ng Pilipinas sa World Championships of Performing Arts
Isang dalagitang Pinay na singer na, songwriter pa mula sa isla ng Boracay, sa Malay, Aklan, ang napili upang maging kinatawan ng Pilipinas sa World Championships of Performing Arts, na gaganapin sa darating na Hulyo ngayong taon sa Long Beach, California, USA.
Mula sa simpleng pamilya, si Shyra Rheens Guici Asister, ay pangalawa sa anak ng mag-asawang Israel at Haydee Asister na kapwa nagtatrabaho sa isang restaurant.
Si Shyra na mas kilala sa palayaw na Shy, ay 17-anyos at isang senior high school student.
Courtesy: Ms. Shyra Asister
Ayon kay Shy, bata pa lamang siya ay nahilig na siya sa musika, ngunit naging seryoso lamang siya sa pag-awit noong siya ay 11-anyos na.
Noong una ay sinubukan din niyang sumali sa mga kumpetisyon, mapa-local man o national ngunit hindi siya pinalad na manalo.
Para kay Shy, pinakamalaking oportunidad na dumating sa kaniya ang maging kinatawan ng bansa sa World Championships of Performing Artist o WCOPA, at ito rin aniya ang pinakamalaking paligsahan na kaniyang lalahukan.
Courtesy: Ms. Shyra Asister
Sinabi ng dalagita, na naging inspirasyon niya sa kaniyang pag-awit at pagsusulat ng mga awitin, ang nag-iisa niyang nakatatandang kapatid na mayroong cerebral palsy.
Aniya, sa kaniyang kuya siya humuhugot ng lakas upang ipagpatuloy ang pagtupad sa kaniyang pangarap, kasabay ng pagsisikap na makamit ang mataas na antas ng edukasyon.
Sa pagiging kinatawan ng bansa sa WCOPA, ay muling patutunayan ni Shy ang galing ng mga Pilipino.
Aldrin Puno