Pinoy Athletes na sumabak sa Paris Olympics, binigyan ng incentives ni PBBM
Pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos, ang pagkakaloob ng incentives sa Pinoy athletes na nagpakita ng makasaysayang performance sa katatapos na 2024 Paris Olympics.
Sa pangunguna ng Gymnastics double gold medalist na si Carlos Yulo at Boxing bronze medalists na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio, ang delagasyon ay dumating sa Villamor Air Base sa Pasay City bandang alas-7:00 kagabi.
Malugod naman silang sinalubong ng kanilang pamilya at mga tagasuporta, pagkatapos ay tumuloy ang mga ito sa palasyo ng Malacanang kung saan sila sinalubong ng Pangulo at ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Bagama’t hindi lahat ng dalawampu’t dalawang mga atleta ay nasa palasyo, ay ibinigay pa rin sa mga ito ang presidential citations.
Si Yulo ay ginawaran ng Presidential Medal of Merit bilang pagkilala sa kambal niyang tagumpay sa floor exercises at vault events ng men’s artistic gymnastics, at bilang unang Pilipino na nanalo ng dalawang Olympic Gold medals.
Inanunsiyo rin ng pangulo ang karagdagang cash incentives, kung saan dalawang milyong piso ang para sa bawat atlerang lumahok sa Olympics, at dalawang milyong piso rin para sa bronze medalists na sina Petecio at Villegas na mula sa Office of the President at PAGCOR.
Sa kabuuan ay apat na milyong piso bawat isa ang natanggap nina Petecio at Villegas, kasama na ang binabanggit sa batas na dalawang milyong piso para sa Olympic bronze medalist, habang magbibigay din ang Office of the President ng kalahating milyong piso para sa coaching staff ng bawat atleta.
Si Yulo ang may pinakamalaking natanggap, dahil bukod sa sampung milyong piso para sa bawat gold medalist na ayon sa mandato ng batas, may kapareho ring insentibo na mula naman sa Office of the President, kaya’t umaabot na ito sa 40-milyong piso sa kabuuan.
Samantala, kasabay ng pagdiriwang para sa Pinoy athletes na umuwi galing sa Paris Olympics, nangako ang pangulo na makikipag-ugnayan sa mga ito upang hingin ang kanilang saloobin sa kung paano pa mapaghuhusay ang sports program sa bansa.
Isang well-structured sports development program kasi ang planong gawin ng gobyerno.
Sinabi ng pangulo na kung maaari ay isasaalang-alang na ang lahat ng mga atleta na nagpakita ng napakahusay na performance na maipagmamalaki ng bansa.
Binanggit ng pangulo ang kawalan ng opisyal at teknikal na suporta mula sa gobyerno.
Ang Pilipinas ay nasa ika-37 puwesto sa overall standing.
Ang Pilipinas din ang naging pinakamahusay na bansa sa Southeast Asia, na nagkataong nangyari sa pagdiriwang ng bansa sa ika-100 nang paglahok nito sa Quadrennial Summer Games.