Pinsala ng Bagyong Rolly at Ulysses sa mga health facilities sa bansa, umabot na sa mahigit 315 milyon
Umabot na sa mahigit 315 milyong piso ang naitalang halaga ng pinsala sa mga health facilities sa bansa matapos ang magkasunod na pananalasa ng bagyong rolly at Ulysses.
Sa datos ng Department of Health, sa bagyong rolly ay nasa 310.9 milyong piso ang naitalang pinsala habang 4.1 milyon naman sa bagyong Ulysses.
Ayon sa DOH, hanggang ngayon ay hindi parin operational ang Palasaan Barangay Health Station sa Cordillera Administrative Region.
Sa Region 3 naman ay nagkaroon rin ng damage pero operational naman ang Dr. Paulino Garcia Memorial Research and Medical Center, Bataan Treatment Rehabilitation Center, at ang Mega Drug Treatment and Rehabilitation Center sa Nueva Ecija.
Sa Region 2 naman ay nagkaroon rin ng damage sa Palanan District Hospital sa Isabela at Alfonso Ponce Enrile Memorial District Hospital sa Cagayan.
May 3 Regional Health Unit at 14 Barangay Health Stations ang napinsala.
Sa Region 4A naman 2 Regional Health Unit at 10 Barangay Health Stations ang napinsala bagamat ang 2 sa BHU na ito ay hindi operational.
Sa Region 5 naman ay nagkaroon rin ng damage sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital, Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory, Malinao Treatment and Rehabilitation Center, 15 RHU at 39 BHS.
Sa NCR naman ay nagkaroon ng minor damage sa East Avenue Medical Center at Amang Rodriguez Memorial Medical Center at Research Institute for Tropical Medicine.
Sa mga COVID-19 Temporary treatment facilities naman ay binaha at nagkaroon ng minor damage ang isang community isolation unit, at syam na quarantine facilities sa Isabela at Quirino.
Madz Moratillo