Pinsala sa agrikultura ng bagyong Dante, higit na sa 16 milyon
Pumalo na sa 16.12 milyong piso ang pinsala sa agrikultura sanhi ng pananalasa ng bagyong Dante.
Sa datos na inilabas ng Department of Agriculture hanggang alas-5:00 ng hapon ng June 2, 2021, nasa 477 magsasaka ang naapektuhan at ang pinsala ay umabot na ng 505 metric tons at 780 ektaryang pananim sa mga rehiyon ng SOCCSKSARGEN at Caraga.
Matinding nasira ng bagyo ang mga taniman ng mais, palay at mga high-value crops.
Naapektuhan din ng bagyo ang agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Regions 1 hangangg 10.
Ayon sa DA, papalo sa 337,068 ektarya ng palay ang naapektuhan sa mga nasabing rehiyon at nasa 342,650 ektarya naman ang sa taniman ng mais.
Gayunman, may nakahandang assistance ang DA para sa naapektuhang magsasaka at mangingisda kabilang dito ang pamimigay ng daan-daang libong rice seeds, corn seeds at iba’t-ibang uri ng gulay.
Mayroon ding nakahandang Quick Response Fund (QRF) ang ahensya at Loan program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC).