Pintuan ng eroplano, binuksan ng isang pasahero habang nasa ere pa ito
Binuksan ng isang pasahero ang emergency exit ng isang Asiana Airlines flight habang naghahanda na itong lumapag, kung saan ilang pasahero ang na-ospital bagama’t ligtas na nakalapag ang eroplano.
Ang Airbus A321-200 domestic flight ay may lulang halos 200 mga pasahero, at papalapit na sa runway ng Daegu International Airport, may 240 kilometro (149 milya) timog-silangan ng Seoul.
Sinabi ng isang kinatawan ng South Korean carrier, “When the plane was still about 200 meters (650 feet) above the ground, a passenger sitting near the emergency exit opened the door manually by touching the lever.”
Ayon sa Asiana, ang hindi inaasahang pagbukas ng pinto ay naging sanhi upang ang ilang pasahero ay makaranas ng hirap sa paghinga, habang ang ilan ay dinala sa ospital matapos lumapag ng eroplano. Wala namang major injuries o damage.
Sa report ng Yonhap News Agency ng South Korea, siyam katao ang na-ospital.
Ayon sa Asiana, “The passenger has been taken to the police and is under questioning.”
Sa isang maikling video na ibinahagi ng Yonhap, ay makikita na hinahampas ng hangin ang pinto at may mga pasaherong sumigaw dahil sa pagkagulat.
Sa isa pang video na ibinahagi naman sa social media, ay makikita ang mga pasaherong nakaupo sa hilera ng emergency exit na nasa tabi ng nakabukas na pinto na hinahampas ng malakas na hangin.
Ang dalawang lalaking pasahero, na naka-seatbelt, ay makikitang nanginginig habang hinahampas ng hangin ang kanilang paligid, habang nakakapit sa armrest ng kanilang upuan at pilit na tumatalikod sa pintuang nakabukas.