Piskal pinatawan ng disbarment ng Korte Suprema
Iniutos ng Korte Suprema na alisin sa listahan ng mga abogado ang isang piskal dahil sa pag-insulto, pagmura at pagsalita ng masama laban mga mahistrado ng Supreme Court at sa bar confidant.
Sa 16-pahinang per curiam ruling ng SC, pinatawan ng disbarment si Atty. Perla D. Ramirez dahil sa mga paglabag sa Lawyer’s Oath at ilang probisyon ng Code of Professional Responsibility.
Ang disbarment ay nag-ugat sa reklamo laban kay Ramirez noong 2007 ng mga empleyado ng isang condominium sa Makati City kung saan nakatira ang piskal.
Hiniling nila na ma-disbar si Ramirez dahil sa magulo at masamang pag-uugali nito na nag-ugat sa iba’t ibang insidente mula 1990 hanggang 2007.
Noong 2014, napatunayan ng SC na lumabag si Ramirez sa CPR at pinatawan ito ng suspensyon sa loob ng anim na buwan.
Nang hilingin naman ng piskal na maalis na ang suspensyon sa kaniya ay kinuwestiyon nito ang otoridad ng Office of the Bar Confidant matapos abisuhan ito na maghain ng mga kaukulang mosyon at sworn affidavit na nagsasabing hindi ito nag-practice ng abogasyon sa panahon ng suspensyon nito.
Inirekomenda ng OBC na i-deny ang hiling ni Ramirez na pinagtibay ng Korte Suprema matapos na hindi makatugon ito sa requirements.
Pinagsalitaan naman ni Ramirez ng masama at minura ang bar confidant sa mismong tanggapan nito noong 2017 nang mag-follow up ito sa kaniyang request at nagsalita rin ng laban sa SC justices.
Moira Encina