Pito ang nasawi habang hinahanap ng Mexican police ang nakatakas na mga bilanggo
Pito katao ang nasawi sa Ciudad Juarez sa northern Mexico, habang nagkakaroon ng police operation upang hulihin ang mga bilanggo na tumakas matapos atakihin ang kanilang pasilidad.
Inatake ng gunmen ang state prison ng border city noong Linggo ng madaling araw, na ikinasawi ng halos 20 katao na naging daan din para makatakas ang ilang bilanggo, kabilang ang isang gang leader.
Ayon sa pahayag mula sa Chihuahua Public Security Department, 26 ang kabuuang bilang ng namatay na kinabibilangan ng dalawang agents mula sa state prosecutor’s office at limang hinihinalang kriminal.
Una nang sinabi ng Defense Minister na si Luis Cresencio Sandoval, na sampung guwardiya, pitong bilanggo at dalawang attackers ang namatay sa nangyaring pag-atake sa kulungan noong Linggo, na iniuugnay sa drug traffickers.
Ayon kay Sandoval, 14 na inmates at isang guwardiya rin ang nasaktan at limang attackers ang naaresto.
Sinabi ni Security Minister Rosa Icela Rodriguez, na kasama sa 25 nakatakas si Ernesto Alfredo Pinon, na kilala sa tawag na “El Neto,” pinuno ng isang gang na kaalyado ng Juarez drug cartel.
Si Pinon ay hinatulang makulong ng higit sa 200 taon noong 2010, para sa pagdukot at pagpatay ayon sa Chihuahua state prosecutor’s office.
Ang pag-atake ay ginawa ng gunmen na sakay ng armored vehicles, habang ang kaanak ng mga bilanggo ay naghihintay para sa New Year’s visits.
Ang Ciudad Juarez, na nasa kabila ng hangganan mula sa El Paso, Texas, ay maraming taon nang nakararanas ng marahas na sagupaan sa pagitan ng mga pwersang panseguridad at magkakalabang kartel ng droga.
Sa mismong piitan ay nagkaroon na ng maraming labanan at riots, at pinakamalala rito ay ang nangyari noong March 2009 kung saan 20 katao ang namatay.
Ang mga detention center sa Mexico ay dumaranas ng talamak na pagsisikip at karahasan, na lumala pa nitong mga nakaraang taon dahil sa salungatan sa pagitan ng mga grupong kriminal.
© Agence France-Presse