Pito ang patay, higit 60 ang nawawala sa nangyaring landslide sa Ecuador
Higit 60 katao ang hinahanap ng rescuers matapos magkaroon ng landslide na resulta ng ilan buwan nang malalakas na mga pag-ulan, na ikinasawi ng hindi bababa sa pito katao sa timugang Ecuador.
Ayon sa mga opisyal, nangyari ang mudslide sa buong magdamag ng Linggo hanggang Lunes, na sanhi upang dose-dosenang tahanan ang matabunan ng putik at 23 katao ang masaktan mula sa village ng Alausi sa Chimborazo province, may 300 kilometro (180 milya) sa timog ng Quito.
Ilang public buildings din ang tinamaan, may mga kalsadang nasira at tatlong eskuwelahan ang isinara sa Alausi village na tahanan ng nasa 45,000 katao.
Sinabi ni Ecuadoran President Guillermo Lasso, na agad pinapunta sa Alausi village ang mga pamatay sunog mula sa katabing mga lugar, upang tulungan ang mga taong naapektuhan ng trahedya, at hinimok din niya ang mga naroroon na lisanin na ang apektadong mga lugar.
Pinakilos naman ng gobyerno ang national police, armed forces,ang health ministry at ang Red Cross upang tumulong sa rescue efforts.
Ayon sa isang pahayag ng gobyerno, “We have activated temporary accommodation and mobilized sleeping kits for those that have lost their homes.”
Sinabi ng SNGR risk management secretariat, na simula nang mag-umpisa ang taon, ang malalakas na pag-ulan sa Ecuador ay nagresulta na sa pagkamatay ng 22 katao, sumira ng 72 mga tahanan at puminsala ng higit sa 6,900 mga bahay.
Ang mga pag-ulan ay naging sanhi rin ng halos 1,000 mapanganib na mga pangyayari, gaya ng landslides at mga pagbaha.
Ang lugar na naapektuhan ng trahedya noong Linggo, ay nasa ilalim ng isang yellow alert risk zone simula pa noong Pebrero kasunod ng mga landslide.
Ang landslide ay nangyari higit isang linggo, makaraang masawi ang 15 katao bunsod ng isang malakas na lindol na tumama sa southwestern border region ng Ecuador sa Peru.
Ang lindol, na may lakas na magnitude 6.5, ay nagdulot ng 22 landslides na bumara sa mga kalsada sa mga lalawigan ng El Oro at Azuay.
Pagkatapos nito ay nagdeklara ang gobyerno ng dalawang buwang state of emergency sa 13 sa 24 na mga lalawigan ng bansa, upang magkaroon ng pagkakataon na maipamahagi sa apektadong mga lugar ang economic resources.
Noong Pebrero, dahil sa malalakas na mga pag-ulan ay napilitang suspendihin ang oil pumping sa bansa sa loob ng limang araw para sa safety checks bunsod ng mga pangamba na isang major oil pipeline ang maaaring nasira dahil sa pagbagsak ng isang tulay.
Ang Andean valley ng Ecuador ay maaaring makaranas ng rainy season ng mula Oktubre hanggang Mayo.
© Agence France-Presse