Pito katao nawawala matapos tangayin ng baha ang mga sasakyan sa southern France
Hinahanap na ng French rescue workers ang pito katao kabilang ang dalawang bata, na nawala makaraang manalasa ang malakas na bagyo sa katimugang bahagi ng bansa na ang karamihan ay pinaniniwalaang tinangay habang nasa loob ng sasakyan sa mga tulay na binaha.
Isang pamilya na may apat na miyembro, kabilang ang dalawang bata na edad apat at trese anyos, ang tinangay ng baha habang tinatangka nilang tumawid lulan ng kanilang sasakyan sa isang tulay sa ibabaw ng Gardon river sa Dions village, hilaga ng Nimes City.
Ang tatay at ang dalawang bata ay nawawala pa rin ngunit ang 40-anyos na nanay, na nasa loob din ng sasakyan ay natagpuan ng rescuers at dinala sa ospital.
Sa tulong ng drones at mga aso ay malaking bilang ng mga pamatay sunog ang nagsagawa ng search operations, habang isang helicopter naman ang lumipad sa ibabaw ng village at ng umapaw na ilog.
Hinahanap din ng rescuers ang dalawang babae, na pinaniniwalaang edad 47 at 50, na nag-emergency call habang nasa isang tulay sa bayan ng Goudargues sa hilaga bago nawala sa linya.
Isa pang driver na Belgian national, ang nawawala rin at pinangangambahang tinangay din mula sa village ng Gagnieres sa Gard. Ang kalsada ay isinara na at isang pulis ang nagsabi sa naturang driver na huwag nang tumawid sa tulay.
Isang pasahero naman ng isa pang sasakyan na isa ring Belgian, ang nagawang makalabas at makaakyat sa isang puno, bago siya nailigtas makalipas ang mahigit dalawang oras.
Sa katabing Ardeche, ang manager ng isang hydroelectric power station na lumabas upang tingnan ang pasilidad ang nawawala rin sa village ng Saint Martin de Valamas. Patuloy pa rin ang paghahanap sa kaniya.
Sinabi ni Interior Minister Gerald Darmanin, 35 operasyon na ang isinagawa ng rescuers habang nananalasa ang bagyo at malakas na ulan sa buong Ardeche at Gard.
Aniya, lahat ng mga sasakyang tinangay ay natagpuan na nguni’t wala pa ring ‘trace’ ng mga nawawala.
Sa isang pahayag ay sinabi ng mga opisyal sa prefecture ng Gard department, “We regret that despite multiple warnings about the incoming storm, ‘we still see behaviour that is dangerous,’ first of all for the people themselves but also dangerous for the people whose duty it is to come to their aid.”