Pito katao, patay sa malakas na pag-ulan at pagbaha sa Seoul
Hindi bababa sa pito katao ang namatay at pitong iba pa ang nawawala, bunsod ng matinding pagbahang dulot ng malakas na pag-ulan sa Seoul. ayon sa Interior Ministry .
Ang malakas na mga pag-ulan na nagsimula kahapon, Lunes, ang pinakamalakas na naranasan sa South Korea sa nakalipas na 80 taon ayon sa Yonhap news agency ng Seoul.
Ayon sa local reports, tatlo kataong naninirahan sa isang banjiha (cramped basement flats) kabilang ang isang teenager ang namatay matapos lumubog sa baha ang kanilang apartment.
Ang ilang bahagi ng Seoul, na nakapalibot sa lalawigan ng Gyeonggi at port city ng Incheon ay nagkapagtala ng mga pag-ulan na higit sa 100 mm bawat oras Lunes ng gabi, ayon sa Yonhap news agency, sa Dongjak district ng kapitolyo ay lumampas sa 141.5 mm, ang pinakamalakas na naranasang buhos ng ulan mula noong 1942.
Kaninang umaga ay ipinag-utos ni President Yoon Suk-yeol sa mga opisyal ng gobyerno na ilikas ang mga residente mula sa high-risk areas at hinimok ang mga negosyo na payagan ang mga kawani na magkaroon ng flexible commuting hours.
Naapektuhan din ang mga bahay na malapit sa presidential residence sa southern Seoul, may naiulat ding pagkawala ng suplay ng kuryente sa capital area, habang ilang operasyon ng Seoul metro maging ng railway services ang pansamantalang nahinto dahil sa malakas na pag-ulan.
Lumubog ang Seoul express bus terminal sa Gangnam, at binaha rin ang isang cafe at library sa COEX Convention and Exhibition Center sa kaparehong lugar.
Sa report pa ng Yonhap, hanggang ngayong Martes ay marami pa ring kalsada at tunnels sa South Korea ang sarado, gayundin ang hiking trails sa maraming national parks, at suspendido ang passenger ferry routes, kabilang ang galing sa Incheon port.
© Agence France-Presse