Pitong kaso ng COVID-19 Delta variant, naitala sa Bulacan
Inatasan ni Gov. Daniel Fernando ang provincial task force na paigtingin pa ang pagbabantay sa buong Bulacan matapos maitala ang pitong pasyenteng nahawaan ng COVID-19 Delta variant.
Bago ito, apat mula sa bayan ng Malolos, Plaridel, at San Jose del Monte, ang unang nahawaan ng sakit, at tatlong pasyente naman mula sa Guiguinto at Sta. Maria.
Ayon kay provincial task force Dir. Hjordis Marushka Celis, agad silang nagsagawa ng contact tracing para mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus.
Dahil dito ay napagpasyahan sa isinagawang pagpupulong na manatiling nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ with heightened restriction ang lalawigan hanggang sa Agosto a-15.
Giit ni Fernando, sakaling magpatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Bulacan, maaaring ilagay sa mahigpit na klasipikasyon o MECQ ang lalawigan.
Gaya na lamang ng pagpapatupad ng boarder control, surge capacity plan at mahigpit na minimum health plan at protocols.
Sisikapin din aniya ng ahensiya na mapababa pa ang bilang ng mga nahahawaan ng sakit upang hindi malagay sa mahigpit na quarantine status ang lalawigan.
Kaugnay nito, nakiusap ang gobernador sa publiko na manatiling sumusunod sa mga ipinatutupad na minimum health standard at magkaroon ng disiplina sa sarili.
Samantala, nagpaalala rin si Fernando sa publiko hinggil sa maling impormasyong kumakalat sa lalawigan sa pamamagitan ng social media, kung saan ini-uugnay sa maling quarantine status ang Bulacan.
Sinabi ng gobernador, na huwag paniwalaan ang alinmang impormasyong natatanggap na hindi aprubado ng pamahalaang panlalawigan laluna kung ito ay nagmula lamang sa mga grupong walang kaugnayan sa kasalukuyang administrasyon.
Babala pa ng opisyal sa publiko, sinumang mapatutunayang nagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makasuhan o managot sa batas alinsunod sa itinakda ng ahensya.
Jimbo Tejano