Pitong pulis ng SJDM na sangkot sa “fabricated” drug buy-bust operations noong Pebrero 2020, kinasuhan ng DOJ ng murder at arbitrary detention
Nakitaan ng probable cause ng DOJ Panel of Prosecutors para kasuhan sa korte ang pitong pulis mula sa Intelligence Section/ City Drug Enforcement Unit ng San Jose Del Monte City, Bulacan Police Station na dawit sa pekeng drug buy-bust operations noong Pebrero 2020.
Ayon sa DOJ, inirekomenda ng panel na sampahan ng anim na counts ng murder at anim na counts ng arbitrary detention ang pitong pulis dahil sa iligal na pagkulong at pagpatay sa mga inosenteng biktima.
Kinilala ang mga kinasuhan na sina: PSSG Benjie D. Enconado; PSSG Irwin Joy M. Yuson; PCPL Marlon M. Martus; PCPL Edmund V. Catubay; PCPL Harvy C. Albino Jr.; PCPL Herbert L. Hernandez; at PAT Rusco Virnar A. Madla.
Ang kaso laban sa mga pulis ay nag-ugat sa gawa-gawang buy-bust operations noong Pebrero 14, 15 at 18, 2020 laban sa mga biktima na sina Chamberlain S. Domingo, Chadwin D.R. Santos, Edmar S. Aspirin, Richard C. Salgado, Erwin N. Mergal, at Jim Joshua Cordero.
Sinabi ng DOJ na walang nangyaring buy-bust operations laban sa mga biktima.
Batay sa mga ebidensya na isinumite ng NBI sa DOJ, ang anim na biktima ay iligal at puwersahang dinampot ng mga pulis noong Peb.13,2020 sa Towerville, Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte City, Bulacan.
Sinabi ng DOJ na ang mga biktima ay kinuha ng mga pulis dahil nagkataon na napadaan ang mga ito sa lugar kung saan naganap ang buy-bust.
Binigyang bigat ng panel ang eyewitness account ng tao na naatasan na bantayan ang mga biktima habang iligal na ikinulong ang mga ito sa Intel Room ng IS/CDEU at ang mga larawan ng mga biktima na naka-blindfold at nakatali ang kamay.
Ibinasura naman ng panel ang reklamo laban sa walong iba pang pulis dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Ang mga naabsuwelto ay sina PMAJ Leo C. Dela Rosa, PSSG Jayson M. Legaspi, PCPL Jay Marc M. Leoncio, PCPL Constante R. Escalante, Jr., PCPL Raymond B. Bayan, PCPL Paul K. Malgapo, PCPL Randy Q. Camitoc, at PAT Erwin O. Sabid.
Ang resolusyon ng panel ay inisyu noon pang Nobyembre ng nakaraang taon pero nito lamang Agosto 25 inihain ang kaso laban sa mga pulis sa Malolos City Regional Trial Court.
Inihayag ng DOJ na hinihintay nito ang warrant of arrest laban sa mga akusadong pulis.
Moira Encina