Plano ng BSP na itaas ang interest rate ng credit card haharangin ng Kamara
Nagbanta si House Committee on Ways and Means Albay Congressman Joey Salceda na bubusisiin ng Kongreso ang anumang hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na itaas ang interest rate ng credit card ng mga bangko sa bansa.
Ayon kay Salceda, bagamat independent ang BSP sa pagbuo ng desisyon tungkol sa monetary policy sa bansa mayroong oversight power ang Kongreso na rebyuhin ang patakaran ng mga constitutional at quasi judicial body.
Sinabi ni Salceda na nakasaad mismo sa charter ng BSP na kailangan itong magsumite ng report sa Kongreso hinggil sa mga gagawing desisyon lalo na ang may kinalaman sa policy o patakaran.
Ginawa ni Salceda ang pahayag matapos sabihin ni BSP Governor Felipe Medalla na tataasan ang kasalukuyang monthly 2 percent interest rate cap na sinisingil ng mga bangko sa mga credit card holder na may katumbas na 24 percent per annum.
Inihayag ni Salceda lalong mahihirapan ang mga middle class credit card holder kapag dinagdagan pa ng BSP ang interest rate lalo na ngayon na patuloy na apektado ang ekonomiya ng bansa dulot ng pandemya ng COVID- 19 ganun din ang external factor na nagpapataas sa inflation rate at foreign exchange rate dahil sa paglakas ng US dollar.
Binanggit din ni Salceda ang umiiral na 24 percent per annum na interest rate ng credit card sa bansa ay hindi nalalayo sa interest rate na ipinatutupad sa Malaysia na 17.5 per annum, 28 percent sa Singapore at 24 percent sa Indonesia.
Binigyang diin ni Salceda na batay sa record ng Philippine Stock Exchange o PSE ang mga bangko sa bansa ay hindi nalulugi dahil kumikita ang mga ito ng 72 percent net profit.
Vic Somintac