Plano ng DOH pagkuha ng non-board passers na nurses, kinontra ng FNU
Hindi sinang-a-ayunan ng grupong Filipino Nurses United (FNU) ang plano ng Department of Health na i-tap ang mga non-board passers na nurses para sa mga bakanteng pwesto sa mga public hospitals.
Sinabi ni Eleanor Nolasco, presidente ng FNU, dapat irekonsidera ni Health Secretary Dr. Ted Herbosa ang nasabing plano.
Humihiling din sila na magkaroon ng dayalogo para pag-usapan kung paano pupunan ang kakulangan at paano matutulungan ang kapakanan ng mga nurses sa bansa.
“Ang panawagan namin ay pag-isipan at i-reconsider, at humihingi po kami ng dialogue with Sec. Herbosa para mapag-usapan kung paano natin mapupunan ang kakulangan and at the same time masa-satisfy mo rin yung pangangailangan ng nurses,” paliwanag ni Nolasco sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN).
“Ang tagal, tagal na ho nating ipinanawagan yung nakabubuhay na sahod, tapos may ganitong suggestion o proposal to get non-board passers, naano kami na parang nawawalan ng respeto, kinukunan mo kami ng dignidad,” dagdag pa ni Nolasco.
Sa halip na kunin ang mga non-board passers na nurses, mungkahi ng FNU na ikunsidera ang mga unemployed at underemployed nurses na umaabot sa libu-libo ang bilang.
Marami raw sa kanila ang hindi natatanggap sa public hospitals dahil sa mabagal na proseso at umiiral na palakasan system.
May migration din aniyang nangyayari mula sa mga pribadong pagamutan papuntang public hospitals.
“Napakalaki ng surplus natin of available nurses, kung saan gusto man sana nilang makapasok at mag-practice ng profession in the government hospitals eh napakahirap naman pong makapasok at hindi talaga, apparently, tina-tap ng ating gobyerno itong mga nurses natin who are either unemployed or underemployed.”
“Imbes po na non-board passers, ang amin pong strong suggestion or recommendation ay itaas muna ang sahod ng ating mga nurses na naka-employ na ngayon at ang kunin nila na mag-fill up ng sinasabi nating shortage na talagang nararamdaman at nakikita sa ating public health system ay yung mga available na registered nurses, kasi malaking bilang ang pwede nilang pagkunan.”
“Kahit na yung mga recent board passers qualified na sila to be hired, but ang sabi nga nila napakahirap pumasok sa public sector kaya’t nagtataka rin kami kay Dr. Herbosa kung bakit ang kaniyang gustong i-tap pa ay yung non-board passers when actually, we have many nurses that they can hire for service,” pahayag pa ni Nolasco.
Sa ngayon ay mas mataas ang tinatanggap na sweldo ng mga nurses sa pampublikong ospital kumpara sa pribadong pagamutan.
Ang entry level ng nurses sa private hospital ay minimum lamang o ₱12,000 to ₱15,000 habang ang nurses sa pampublikong ospital ay tumatanggap ng salary grade 15 o ₱36,000.
Weng dela Fuente