Planong pagpapalakas sa monitoring capabilities at mga tanggapan sa Mindanao, inilahad ng Immigration bureau
Plano ng Bureau of Immigration (BI), na palakasin ang kanilang mga tanggapan at monitoring capabilities sa kanilang border crossing stations sa Mindanao.
Ayon kay BI chief Jaime Morente, tinukoy bilang prayoridad na mga lugar para sa gagawing IT systems upgrade at infrastructure improvement, ang Taganak station malapit sa Sulu Sea at sa Bongao station na malapit naman sa Celebes Sea.
Sinabi ni Bureau Bay Service Section Chief Alnazib Decampong, na bahagi ng pagpapalakas sa kanilang tanggapan ang improvement ng office inspection measures upang maiwasan ang posibleng pagpasok ng illegal aliens at foreign terrorists.
Aniya . . . “Kailangan nating palakasin ang pagsubaybay sa imigrasyon sa mga border crossing station na ito. Ang mga lugar na ito ay nakikita naming magiging pangunahing trade at travel hub sa susunod na ilang dekada.”
Ayon pa kay Morente, dinagdagan din ng kawanihan ang bilang ng kanilang mga tauhan sa nabanggit na mga lugar upang mas maayos na maipatupad ang kanilang mandato.
Sinabi ng BI na plano rin nitong palawakin ang implementasyon ng Advance Passenger Information System (APIS) sa southern region.
Ayon kay Decampong, nagsagawa na ng on-site visits ang kanilang mga tauhan para rito, at handa na ang kanilang mga rekomendasyon para sa tiyak na pangangailangan ng mga tanggapan.