Planong pagpuputol ng kuryente at mga hakbang sa gitna ng heatwave, inanunsiyo ng Egypt
Nag-anunsiyo ang prime minister ng Egypt ng ilang mga hakbang, kabilang ang planong pagpuputol ng kuryente, upang mabawasan ang konsumo bunsod ng matinding heatwave na nararanasan ng bansa at iba pang rehiyon.
Sinabi ni Mostafa Madbouli, na ang civil servants ay magtatrabaho mula sa bahay o work-from-home isang araw sa loob ng isang linggo, sa pagtatangkang pagaanin ang load sa local electricity networks, dahil ang mga temperatura na lumampas sa 45 degrees Celsius (113 Fahrenheit) ay naitala sa mga bahagi ng bansa ngayong linggo.
Kinumpirma rin niya na ang planong “power cuts” na inanunsiyo ng gobyerno noong isang linggo ay magpapatuloy, kung saan ang mga residente ay pinayuhang huwag nang gumamit ng elevators ng mga ilang oras sa isang araw.
Ang naturang hakbang ay umani ng pagtutol, kung saan marami ang nagreklamo na ang “power cuts” na kalimitang nangyayari sa pinakamainit na oras ng buong araw, ay malimit na tumatagal ng higit dalawang oras at nangyayari nang wala sa nakaplanong “time slots.”
Photo bu Amir Makara / AFP
Sinabi ni Madbouli na ang planong power cuts ay tatagal ng isa hanggang dalawang oras, at ito ay sanhi ng pagtaas sa konsumo sa kuryente.
Inatasan niya ang mga civil servant na hindi direktang nakikipagtransaksiyon sa publiko, na magsimulang mag-work-from-home tuwing Linggo sa loob ng isang buwan mula Agosto 6, at hinimok ang pribadong sektor na gumawa ng mga katulad na hakbang.
Hindi naging maganda ang takbo ng ekonomiya ng Egypt sa mga nakaraang taon sanhi ng runaway inflation at paulit-ulit na pagbaba ng halaga ng lokal na pera, na nakaapekto sa purchasing power o kakayang bumili, maging sa kakayahang mag-angkat ng mga pangunahing kalakal.
Ang isang katulad na krisis sa enerhiya sa panahon ng panandaliang pagkapangulo ng yumaong Islamist na si Mohamed Morsi, ay humantong sa malawakang pagkagalit at mga protesta bago siya pinatalsik ng army noong Hulyo 2013.
Noong 2015, nakipagkasundo ang mga awtoridad sa higanteng electricity company ng Germany na Siemens, upang magtayo ng tatlong pangunahing planta ng kuryente na may mga pamumuhunan na tinatayang nasa anim na bilyong euro ($6.5 bilyon) sa isang hangaring na mapagbuti ang serbisyo.
Subalit mula noon ay dumanas na ng hirap ang bansa dahil sa pagkaubos ng foreign reserves at lumalaking utang, na pinalala pa ng pananakop ng Russia sa Ukraine noong isang taon.