Plea deal sa tatlong September 11 attacks binawi ng Pentagon chief
(Reuters) – Binawi ni U.S. Defense Secretary Lloyd Austin ang plea deals na napagkasunduan sa unang bahagi ng linggong ito, sa lalaking inaakusahang utak sa Sept. 11 attacks na si Khalid Sheikh Mohammed, at dalawa nitong kasabwat, na nakaditini sa U.S. military prison sa Guantanamo Bay, Cuba.
Sinabi ng Pentagon noong Miyerkules na ang mga plea deal ay napagkasunduan ngunit hindi nagbigay ng mga detalye. Sinabi ng isang opisyal ng U.S. na halos tiyak na may sangkot na guilty pleas kapalit ng pag-aalis sa parusang kamatayan.
Gayunman noong Biyernes, tinanggalan ni Austin ng kapangyarihan si Susan Escallier, na siyang nangangasiwa sa Guantanamo war court ng Pentagon, na pumasok sa mga kasunduan bago ang paglilitis sa kaso at siya mismo ang kumuha ng responsibilidad.
Sa isang memo ay sinabi ni Austin, “Effective immediately, in the exercise of my authority, I hereby withdraw from the three pre-trial agreements.”
Maraming Republican lawmakers, kabilang si House of Representatives Speaker Mike Johnson at Senate Minority Leader Mitch McConnell, ang matindi ang pagbatikos sa plea deals.
Si Mohammed ang pinakakilalang inmate sa detention facility sa Guantanamo Bay, na itinayo noong 2002 ng noon ay U.S. President na si George W. Bush upang pagkulungan sa dayuhang militanteng mga suspek kasunod ng mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001 sa Estados Unidos.
Si Mohammed ang inaakusahang may pakana upang ibangga ang commercial passenger aircraft sa World Trade Center sa New York City at sa Pentagon.
Ang nabanggit na pag-atake na kilala sa tawag na 9/11 attacks, ay ikinamatay ng halos 3,000 katao at naging sanhi ng dalawang dekadang pakikipagdigma nito sa Afghanistan.
Nagpasok din ng plea deals ang dalawang iba pang detainees na sina Walid Muhammad Salih Mubarak Bin ’Attash at Mustafa Ahmed Adam al Hawsawi.