Plebesito sa pagiging highly urbanized city ng SJDM, Bulacan isasabay SA BSKE Elections sa Oktubre 30
Puspusang ikinakampanya ngayon nina Congresswoman Florida Robes at Mayor Arthur Robes ang pagboto ng yes sa gaganaping plebisito kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa October 30 para maging highly urbanized city ang San Jose Del Monte sa lalawigan ng Bulacan.
December 4, 2020, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation 1057 na nagdedeklara na maging highly urbanized city ang Lungsod ng San Jose Del Monte na magkakabisa lamang kapag naratipikahan sa pamamagitan ng plebisito.
Mismong ang Commission on Elections (COMELEC) ang nagpasiya na isabay na lamang sa BSKE Elections ang plebisito para maging highly urbanized city ang San Jose Del Monte.
Sinabi ni Mayor Robes na suportado ng 20 Municipal at 4 City Mayors na maging highly urbanized city ang San Jose Del Monte sa pamamagitan ng pagpirma sa isang manifesto alinsunod sa probisyon ng Local Government Code na kapag ang isang component city na may 200 thousand population na sertipikado ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mayroong annual income na P50 Million ay kuwalipikado nang gawing highly urbanized city.
Inihayag naman ni Congresswoman Robes na sa sandaling maging highly urbanized city ang San Jose Del Monte, Bulacan ay lalong mapopondohan ang social at health services na kinabibilangan ng mga ospital, paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo na pakikinabangan din hindi lamang ng mga San Joseños kundi maging ng mga Bulakeños.
Vic Somintac