PNP naka-full alert kasunod ng pagkakapatay sa 4 na ASG members sa Jolo, Sulu
Isinailalim sa full alert ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang lahat ng police offices at units matapos ang nangyaring engkuwentro sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng apat na Abu Sayaff members.
Nakilala ang mga namatay na sina Al-Al Sawadjaan na kapatid ni Mundi Sawadjaan, ASG sub-leader Injam Yadah; isang ASG member rin na nakilala sa alyas na Raup; at isang hindi pa nakilalang ASG member.
Ayon kay Eleazar, inaasahan nila ang posibleng pagganti ng teroristang grupo lalu na’t kasama sa napatay ang kapatid ng isang ASG leader.
Bago ang engkuwentro, isisilbi sana ng mgapulis ang warrant of arrest kay Yadah ngunit pinaputukan sila ng mga terorista.
Si Yadah ay sangkot umano sa mga serye ng kidnapping habang si Swadjaan naman ay taga-gawa umano ng bomba.
Ang kapatid naman nitong si Mundi ay tinuturong mastermind sa kambal na pagsabog sa Jolo noong nakalipas na taon.
Ayon kay Eleazar, mas pinaigting nila ang operayson upang madakip ang nalalabi pang miyembro ng bandido.
Hinimok din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at ireport kaagad sa mga otoridad sakaling mayroon silang makuhang impormasyon sa kinaroroonan ng mga bandido.