PNP, nakapagtala ng bagong 2 pumanaw sa Covid-19
Umakyat na sa 108 ang death toll ng Philippine National Police dahil sa Covid-19.
Sa datos ng PNP Health service ngayong September 4, 2021, naragdagan pa ng 2 ang mga pumanaw dahil sa impeksyon.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ang mga pumanaw ay isang 50-anyos na nakatalaga sa Region 1 habang isang 39-anyos na policewoman ang isang namatay na nakatalaga sa Region 3.
Sa medical records, nakaranas ng mild symptoms noong August 27 ang isang pulis kaya pinayuhang mag-isolate at sumailalim sa TR-PCR test at lumabas na positibo ito sa Covid-19.
August 29 nang dalhin ito sa pagamutan dahil sa naranasang hirap sa paghinga ngunit inanunsyo ng kaniyang attending physician na dead on arrival.
Nabatid na nakatanggap na ng unang dose ang pulis noong August 6.
Habang ang isang pumanaw ay na-admit sa pagamutan noong August 31 dahil kinakitaan ng mga sintomas at isinailalim sa swab test.
Positibo sa Covid-19 ang resulta ng test pero makaraan ang 2 araw ay pumanaw na ito dahil sa Pneumonia at Acute Respiratory Failure.
“Patuloy po ang ating pagpapaalala sa ating mga kabaro lalo na sa mga nakaassign sa police stations, vaccination sites at quarantine facilities na magdoble ingat kahit na kayo ay bakunado. At kung mayroon na tayong nararamdamang sintomas ay agad na magpatingin sa pinakamalapit na clinic sa inyong kampo,” Gen. Eleazar
Ngayong araw, nakapagtala rin ang PNP ng panibagong 243 kaso ng Covid-9 kaya umakyat na sa 35,351 ang kabuuang kaso na may 2,075 active cases.
May naitala ring bagong 206 recoveries kaya umakyat na sa 33,168 ang kabuuang gumaling mula sa virus infection.
Samantala, sinabi ng PNP na umaabot na sa 46.68% o katumbas ng 106,174 ang fully vaccinated sa kanilang hana habang nasa 100,187 o 44.99% ang nabakunahan na ng unang dose.
Nasa 16,339 o 7.34% police personnel na lamang ang hindi pa nababakunahan.