PNP nakapagtala ng bagong isang pumanaw dahil sa Covid-19
Umakyat na sa 104 ang death toll sa hanay ng Pambansang Pulisya dahil sa Covid-19.
Ito’y matapos makapagtala ang PNP Health service ng panibagong isang pumanaw dahil sa virus infection.
Ayon kay Philippine National Police Chief, Police General Guillermo Eleazar, isang 53-anyos ang pumanaw na pulis na namatay dahil sa komplikasyon sa Covid-19.
Batay sa report, August 20 nang nilagnat ang pulis at kaagad siyang isinailalim sa RT-PCR test at positibo ang resulta.
August 21 nang makaranas ito ng hirap sa paghinga at pumanaw din habang ginagamot.
Ayon sa attending physician nito, naging dahilan ng pagkamatay ay severe Pneumonia.
Natuklasan sa medical records ng pulis na sumailalim na ito sa dialysis sa loob ng halos 3 taon dahil sa Chronic Kidney Disease at na-diagnose siya na may Diabetic with Hypertension.
Naturukan na rin ang pulis ng kaniyang unang dose ng bakuna kontra Covid-19 nitong August 19.
Ang PNP ay nakapagtala na ng 97,184 o 43.61 percent na fully vaccinated police personnel habang nasa 105,016 naman ang nakatanggap ng first dose.
Samantala, ngayong araw August 29 ay nakapagtala ang PNP ng karagdagang 76 recoveries mula sa Covid-19 kaya pumalo na sa 32,295 ang kabuuang gumaling sa virus infection.
Habang pumalo naman 34,316 ang kabuuang kaso ng Covid-19 na may 1,917 active cases.