PNP, pinuri ang Iloilo Provincial police office sa pagkakapatay sa Top drug lord ng Western Visayas
Pinuri ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald ‘Bato” Dela Rosa ang Iloilo Provincial Police office o IPPO sa matagumpay nilang anti-drug operation laban sa itinuturing na Top Drug lord sa Western Visayas na si Richard Prevendido.
Kasabay nito, nilinaw rin ni Dela Rosa ang mga spekulasyon na ang pagkakapatay kay Prevendido ay paghahanda umano sa paglipat sana ni Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo.
Si Prevendido ay napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis habang isinisilbi ang arrest warrant sa kaniyang inuupahang bahay sa Iloilo.
Nagtamo ng sugat sa ulo at lalamunan si Prevendido at nakuha sa kaniya ang kalibre 45 na baril na hawak-hawak nito sa kaniyang magkabilang kamay.
Narekober din sa tahanan nito ang mga shabu at mga baril.
Si Prevendido ay may patong sa ulo na 1.1 milyong piso at itinuturing na No. 1 most wanted person sa Region 6.
Sinabi pa ni Dela Rosa na dalawa na sa limang Top drug lords na nagsasagawa ng operasyon sa Region 6 ang kanilang na-neutralize.
Una ay ang mag-asawang Melvin at Meriam Odicta noong nakaraang taon at si Prevendido.
Naniniwala ang PNP Chief na ang pagkamatay ni Prevendido ay malaking impact sa operasyon ng iligal na droga sa Iloilo.