PNP-SAF na nakadeploy sa Bilibid, iimbestigahan dahil sa pagbabalik ng kalakalan ng droga sa loob ng NBP
Paiimbestigahan ng DOJ ang mga miyembro ng PNP-SAF na nakadeploy sa New Bilibid Prisons dahil sa pagbalik ng kalakalan ng iligal na droga sa kulungan.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, ang kasalukuyan myembro ng PNP-SAF sa NBP ay anim na buwan nang naroon at ito ay masyado nang matagal kaya may ilan sa kanila ay naging pamilyar na sa mga inmate.
Naniniwala ang kalihim na dahil naging pamilyar ang mga naturang SAF sa mga Bilibid inmate ay maaring may ilan sa kanila ang nadala sa suhol kaya unti unti muling nabuhay ang transaksyon ng iligal na droga sa state penitentiary.
Posible aniyang aabot sa milyun-milyong piso ang halaga ng suhulan, dahil iligal na droga ang transaksyon.
Aniya kung may sapat na ebidensya, kasama ang mga SAF sa mga kakasuhan.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na papalitan ang mga kasalukuyang myembro ng SAF na nakadeploy sa Bilibid.
Samantala, Isiniwalat pa ni Aguirre na may mga bagong personalidad na sangkot sa kalakaran.
Una nang nagkausap sina Aguirre at Bureau of Corrections Director General Benjamin delos Santos at kinumpirma nito na nagsimula na muli ang drug trade sa NBP may ilang buwan na ang nakalilipas.
Ulat ni : Moira Encina