PNP, tiniyak na magiging flexible sa implementasyon ng polisiya na nagpapahintulot sa paglabas ng mga menor de edad
Magiging flexible ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng bagong polisiya ng gobyerno na nagpapahintulot sa mga menor de edad na magtungo sa mga open at outdoor spaces.
Inatasan na ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang kaniyang mga tauhan na regular na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na may hurisdiksyon sa kanilang lugar para sa nasabing polisiya.
Ito ay upang matiyak na walang mangyayaring pag-abuso sa kapangyarihan ng mga pulis at matiyak na magiging maayos ang pakikitungo ng mga ito sa mga mamamayan.
Sa ilalim ng polisiya, kabilang sa maaaring puntahan ng mga kabataan na may edad lima pataas ay mga parke, palaruan at iba pang outdoor spaces ngunit dapat may kasamang nakatatanda, magulang man o guardian na may kumpletong bakuna kontra Covid-19.