Podium finish target ni Obiena sa world indoor meet
Masusubok ngayong Linggo, March 3, ang mga paghahanda ni Ernest John “EJ” Obiena para sa 2024 Paris Olympics, sa lalahukan niyang pole vault event sa 2024 World Athletics Indoor Championship sa Glasgow, Scotland.
Ang pole vault event ay naka-schedule ng alas-7:00 ng gabi (3 a.m., March 4 sa Maynila), kung saan makakaharap ng world No. 2 national record-holder ang mga kapwa niya Olympian sa event na inaasahang magiging preview ng Paris Games.
Ang isang podium finish para kay Obiena ay maglalagay sa kaniya sa mga libro ng kasaysayan bilang unang Pilipino na nanalo ng isang medalya sa global showpiece, bagama’t ang Tondo native ay nagwagi na ng bronze at silver medal sa 2022 at 2023 editions ng world championships.
Ngunit ang torneo ay higit pa sa isang sukatan para kay Obiena sa kung ano ang kanyang gagawin sa Paris, kasama ang anim na iba pang kapwa Olympic qualifiers na lalahok din sa torneo.
Nangunguna sa star-studded lineup ang world No. 1 na si Armand “Mondo” Duplantis ng Sweden, na target hindi lamang ang ipagtanggol ang titulong napanalunan niya sa huling edisyon na ginanap sa Belgrade, Serbia noong 2022 kundi basagin din ang sarili niyang world record na 6.22 meters.
Kasama rin sa lalaban sina world No. 3 Chris Nilsen ng United States, na nanalo ng bronze sa nakaraang edisyon, at Paris Games qualifiers Thibaut Collet ng France, Kurtis Marschall ng Australia, Menno Vloon ng Netherlands, Piotr Lisek ng Poland, Ersu Sasma ng Turkey, at Emmanouil Karalis ng Greece.
Ang World No. 5 na si Sam Kendricks ay inaasahang lalahok din, pati ang world No. 8 na si Ben Broeders ng Belgium, world No. 22 Robert Sobera ng Poland at world No. 22 Austin Miller ng US.