Police visibility pinaigting sa mga lugar na itinuturing na entertaiment city
Iniulat ng pambansang pulisya na wala umanong nangyaring krimen at kaso ng kidnapping na may kaugnayan sa Philippine Offshore and Gaming Operations.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means sa isyu ng maaaring pakinabang ng Pilipinas sa POGO industry, sinabi ng PNP na mula noong September 15 ngayong taon, walang naitalang anumang kasong may kaugnayan sa POGO sa Metro manila, Region 3 at Region 4a.
Tinanong ni Senador Ronald bato dela Rosa kung totoo ang mga ulat na dawit na rin sa krimen at kidnapping ang mga umanoy nasa POGO operations.
Sagot ni Police Brig. General Jonnel Estomo ang Acting Regional Director ng NCRPO, wala pa silang naitatalang krimen.
Pinaigting naman aniya ng PNP ang police visibility batay sa rekomendasyon ng Senado at naglagay ng mas maraming police outposts sa itinuturing na entertainment city.
Kinumpirma naman ni Eugene Ang , Pangulo ng Philippine Chinese Chamber of Commerce ang industry na wala pang naitatalang kaso dahil sa POGO operations.
Una nang inimbestigahan ng Senado ang isyu dahil sa mga panukalang buwagin na lang ang POGO industry dahil sa umanoy pagkakasangkot sa krimen ng ilang nagtratrabaho sa POGO.
Meanne Corvera